Sunday, October 16, 2016

Kimmy Dora and The Temple of Kiyeme

Biglaang bibiyahe ang mag-aamang Go Dong Hei sa Korea sa dalawang dahilan.  Una, upang mamasyal at makapag-bonding,

ikalawa ay upang tuparin ang isang kasunduan na ipakasal ang isa sa kambal na Kimmy at Dora sa anak ng isang malaon

nang kaibigan ng pamilya, bilang pagbawi sa naging pagkakasala ng kanilang amang si Luisito (Ariel Ureta) sa isang babae

sa Korea noong kanyang kabataan. Matigas na tatanggihan ito ni Kimmy bilang isang malaking kabaliwan lalo na sa makabagong

panahon.  Ang inosenteng si Dora naman ay hindi pa maiisip ang maaring idulot ng pagsunod sa kagustuhan ng ama. Higit

na bibigat ang sitwasyon sa magkapatid dahil halos sabay na matatanggap nila ng alok na pagpapakasal ng kani-kanilang

kasintahan na sina Barry (Zanjoe Marudo) kay Kimmy at Johnson (Dingdong Dantes) kay Dora.  Kasabay ng mga biglaang pangyayaring

ito sa buhay ng mag-aama ay ang mga kakaibang mararamdaman at makikita nila na gagambala sa magkapatid, pati na sa alagang

aso ni Dora, si Mikky.  Sa kalaunan madadawit din sa hiwaga sila Barry, Johnson at Luisito.Magaling ang pagkakatahi

ng istorya ng Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme.  Mahusay ang naisip ng produksyon na makalikha ng bagong kuwento

samantalang nanatili ang orihinal na konsepto ng naunang Kimmy Dora, Kakambal sa Kiyeme.  Magaling ang takbo ng istorya,

ang disenyo ng produksyon, ang special effects ng paglitaw at paglaho ng multo, at ng walang sablay na editing lalo

na sa mga eksena ng dalawang karakter ni Domingo.  Samantala mas naging interesante sana ang cinematography kung nakapagpakita

pa ng mas maraming lugar at kultura ng Korea sa pamamasyal ng mag-aama.Napakahusay ng pagkakaganap ni Domingo ng dalawang

tauhan sa pelikula, ang magkakambal na Kimmy at Dora.  Nakatulong sa pagpapaganda ng aspetong teknikal ng pelikula ang

epektibong pagpapatawa ng iba pang mga artista at ang pagsisikap ng direktor na buuhin ang isang seryosong kwento na

dinamitan ng pagpapatawa at katatakutan. Tanging kapintasan lamang nito sa aspetong teknikal ay ang mga pinahabang eksena

ng pakikibaka sa multo na maaaring makabagot o makasuya dahil sa paulit-ulit nitong pakuwela at special effects.Napapanahon

ang pagpapalabas ng Kimi Dora and the Temple of Kiyeme sa Father's Day sapagkat muling ipinakita ang kahanga-hangang

pagdadala ng isang ama (at pagganap ni Ureta) ng kanyang tungkulin sa kakaibang sitwasyon ng kanyang dalawang anak.

Mas magiliw at makalinga sa anak na may mabagal na pag-iisip at buong kumpyansa naman sa matalino at maaasahang anak

kasabay ng di nagsasawang paalala na magpasensya sa kakulangan ng kapatid.Walang lihim na di nabubunyag lalo na kung

may epekto ito sa hinaharap at sa mga mahal sa buhay.  Dapat pag-isipan ng sinumang may pananagutan sa pagtatago ng

lihim kung paano ito haharapin sa panahon ng pagbubunyag.  Sa panahon ng pagsubok kung kailan wala nang magawa si Luisito

kungdi isakrispisyo ang kaligayahan ng anak bilang kabayaran sa kanyang nakaraang pagkakasala ay mananaig ang pagka-

ama nito upang huwag nang ipagkanulo ang anak.  Sa sitwasyon ng magkakambal na madalas makadama ng panibugho si Kimmy

kay Dora sa atensyon ng ama, ay lagi namang nabibigyang-diin ang pagpaparaya, pagtanggap at pagmamahal.  Gayundin ipinakita

sa pelikula na bawat tao sa anumang kapasidad ay may kakayahan na makatulong katulad ng nagagawa ni Dora sa kabila ng

kanyang kalagayan.Sa sitwasyon ng pagiging amo at empleyado nakababahala ang pagpapakita ng labis na karahasan at pagkamatayog

ni Kimmy sa sekretarya at sa doktor sa pag-aari nilang ospital, bagama’t malinaw ang konteksto na ang masamang ugaling

ito ay epekto diumano ng kanyang pagiging dating typhoid patient .Dahil sa ginagawang basehan ng pagpapatawa ng pelikula

ang ganitong asal ni Kimmy, nagmumukha tuloy itong isang “palusot” lamang upang bigyang daan ang husay sa papel na pagtataray

ni Domingo.Sa kabila ng intensiyon ng pelikula na maghatid ng mensaheng kapupulutan ng leksiyon sa buhay, maaaring hindi

ito ang “binibili” ng mga manonood na may bitbit pang mga musmos na bata sa sinehan.  Ang hanap nila’y katatawanan,

at katatawanan naman ang inihahain ng pelikula, makatuwiran man ito o hindi.Taliwas sa turo ng Simbahang Katolika ang

ipinakikita ng pelikula na labis na kapangyarihan ng isang multo, na sa kanyang paghihiganti ay nagugupo ang sinumang

naisin.  Hindi maliwanag sa pelikula kung ang takot bang ito sa multo ay nagmumula sa pagkakaroon ng ibang relihiyon

ng mag-aama.  (Sumamba sila sa isang tila Buddhist temple sa Korea, at ang pamagat mismo ng pelikula ay may kaugnayan

sa relihiyon: Temple).  Anupaman, sa paniniwala ng mga Kristiyano,  ang mga kaluluwa ng yumao na di matahimik ay dapat

ipagdasal—lalo na kung inaakala natin na may mensahe itong ibig iparating—nang sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan sa

kabilang buhay.   Wala ang ganoong elemento dito, bagama’t may isang maliit na krus na gawa sa sangay ng punong kahoy

ang hawak ng isa sa mga tauhan noong nagri-ritual sila upang tawagin ang espiritu ng isang yumao.Si Dora (ayon sa Kimmy

Dora 1) diumano ay nagkaroon ng autism gawa ng isang aberiya habang siya ay iniluluwal ng ina.  May isang eksena sa

swimming pool dito sa Kimmy Dora 2  kung saan hindi iginalang ang kanyang pagiging isip-bata.  Nagmistula siyang palakang

nakatihaya at lumulutang sa tubig.  Oo nga’t maaaring nangyayari ito sa tunay na buhay, ngunit sa tunay buhay, hindi

natin hinahayaang mahantad nang mahalay ang katawan ng isang isip-bata, lalo na kung ito’y dalaga na; dito, pinupog

pa siya ng halik, tuloy lubog sa tubig.  Para lang mapatawa ang manonood?  Huwag naman.  Ang tinawanan ay si Domingo,

ngunit kinalimutan nila ang maselang kalagayan ng karakter na si Dora.   Kung napapasaya tayo ng ganitong mga eksena

mayroon tayong dapat suriin sa ating kalooban.Napuna din ba ninyo na unano ang isa sa mga tauhang pinagtatawanan, at

hindi Tagalog ang kanyang orasyon?Marami nang mga sinaunang pelikulang Pilipino ang gumamit na ng unano para lamang

magpatawa; panahon na siguro upang ipakita naman natin na ang mga unano ay mayroon ding puso, kaluluwa, at kakayahang

gumawa ng kagitingan.  Ang katulong sa bahay na kung tumawag sa amo ay “Ma’am Dura” ay hindi rin Tagalog—bakit laging

dapat gawing katawa-tawa Bisaya o ang katulong?  Maaaring ito’y isang “maliit na bagay” lamang ngunit sa paglakad ng

panahon, ang mga maliliit na bagay na ito ang siyang nagpapatibay sa ating mga prejudice laban sa ating kapwa.

No comments:

Post a Comment