Thursday, October 20, 2016

Dyesebel

Naglihi si Lucia sa larawan ng isang sirena sa kalendaryong iniuwi ng asawa niyang si Tino. Nanganak siya ng isang sirena

na itinago nila sa mga tao ng Baryo Mabaklad. Subalit nang limang taong gulang na ang batang bininyagan nilang Dyesebel,

sang-ayon sa pangalan ng sirena sa kalendaryo, tumalon ito sa baha sa gitna ng isang bagyo at tinangay ng tubig hanggang

sa dagat. Natagpuan si Dyesebel ng sirenang si Banak na nagdala rito sa Pulo ng Engkanto kung saan ito inalagaan hanggang

sa magdalaga. Nasa yungib ng pulong iyon si Dyangga, ang huklubang pinuno ng mga sirena na nagmamay-ari ng ginintuang

kabibe na kapag hinipo ay nagiging mga binti at paa ang buntot ng sirena. Samantala, nakilala ni Dyesebel si Fredo minsang

sinundan ng binata ang pag-awit nito sa Munting Pulo. Nagbabakasyon pala ang lalaki upang kalimutan ang dati nitong

kasintahang si Betty na sumama kay Gildo. Minsang nagkasakít si Fredo at hindi nakarating sa gabi-gabi nilang tipanan

sa Munting Pulo, ginapang ni Dyesebel papunta sa bahay nito. Nakita si Dyesebel ng mga magulang ni Fredo na sina Don

Bestre at Donya Kwala at hindi siya matanggap ng mga ito. Samantala, nagbabalik si Betty kay Fredo sapagkat hindi nito

pinakasalan si Gildo nang matuklasang hindi talaga ito mayaman at sa halip ay isang pusakal na sugarol. Upang hindi

ipagtapat ni Gildo kay Fredo na may nangyari na sa kanila ni Betty, tinulungan ng babaeng maitakas ni Gildo si Dyesebel

upang dalhin sa karnabal. Dahil napabalita sa buong bansa, nalaman ni Fredo kung nasaan si Dyesebel at iniligtas ito.

Nagbalik si Dyesebel sa Pulo ng Engkanto at ipinagtapat sa kaniya ni Banak na yumao na ang mga magulang niya. Isang

araw, gumuho ang yungib at nadaganan si Dyangga, samantalang nag-init ang tubig at nagkagulo ang mga sirena. Kinuha

ni Banak ang mahiwagang kabibe at bago namatay ay naibigay iyon kay Dyesebel na nakatakas bago sumabog ang pulo na nasa

ibabaw pala ng isang bulkan. Nang nagbalik si Dyesebel kina Fredo, nakita ni Betty na ginamit nito ang mahiwagang kabibe

kaya nagkaroon ng mga paa. Kinuha ni Betty ang kabibe at nang hinaplos niya iyon, naging sirena siya at pinagbabató

ng mga tao hanggang napilitan siyang lumundag sa dagat. Pinuntahan naman ni Dyesebel si Fredo at nagkatuluyan ang dalawa sa huli.

No comments:

Post a Comment